Para sa dati kong kasintahan...
Agripa-Diño Nuptials, January 18, 2018, San Antonio de Padua, Parañaque |
Martin,
Binigyan mo ng malalim na kahulugan ang mga katagang, "Ikaw ang katuparan ng aking mga pangarap." Pangarap na magkaroon ng mapagmahal at responsableng asawa pati na rin ng isang masaya at maayos na pamilya. Ikaw ang nagsilbing liwanag sa dulo ng madilim na kweba ng kahapon na hindi ko na gugustuhin pang balikan.
Tinutulungan mo akong maintindihan ng lubusan na hindi ko kailanman dapat na ikumpara ang sarili ko sa iba dahil may kanya-kanya tayong kalakasan at kahinaan. Hindi tayo pare-parehas na nabibigyan ng pagkakataon. Iba't-ibang oras, ugali, at landas ang ating tinatahak. Sa huli, hindi ito ang dapat na gawing natatanging basehan ng kagalingan ng isang tao.
Hinawakan at patuloy mo akong inaakay sa daan na gusto kong puntahan. Hinahayaan mo akong magsulat kahit hindi ka mahilig magbasa at nagbubunyi ka sa bawat maliliit kong tagumpay. Palagi mo akong sinasabihan ng dapat kong marinig hindi lang ng kung anong makapagpapagaan sa nararamdaman ko. Sa mga panahon na wala akong tiwala sa aking sarili, ikaw ang nagsisilbing lakas ng loob ko.
Sa ugali nating liku-liko, sa isang espesyal na kanto tayo nagkita - sa kalyeng tinatawag na SIMPLE. Ang lugar kung saan hindi ka makakakita ng mga salitang: arte, uso, engrande at magarbo. Hindi mahalaga kung galing sa tindahan sa tabing kalsada o sa mamahaling restawran ang ating kakainin. Ang importante, magkasama tayo at wala tayong nagiging sakit. Dumaan at patuloy tayong dadaan sa hirap. Doon magmumula at uusbong ang mga pangarap na sabay nating aabutin para sa ating magiging pamilya.
Isang linggo matapos nating ikasal, tinanong kita, "Kapag nagtagal kaya tayo, tutulungan mo pa rin kaya akong maglaba at mamlantsa?" Hindi man natin alam ang mga mangyayari, hinihiling ko na sana kahit na ilang taon pa ang lumipas, kahit na gaano karami ang mga bagay na magbago, kahit na paulit-ulit ka mang mapagod sa ugali ko ay magagawa mo pa ring mahalin ako at masabi na "Tama nga ang naging desisyon ko."
Ipinapangako kong ibubuhos ko ang aking pagmamahal at buong pagkatao upang maging isang mabuting katuwang para sa iyo. Maligayang ika-limang anibersaryo bilang magkasintahan, mahal ko. At masayang pagbati sa umpisa ng ating pagiging mag-asawa. Handang-handa na akong tumalon. Hawakan mo ang kamay ko at sabay tayong lulundag sa bangin ng walang kasiguraduhan. Ito na ang simula ng bagong yugto ng love story nating dalawa.
Para sa mga susunod pa.
Lubos na nagmamahal,
Ang Iyong Maybahay.
Comments
Post a Comment