Paglisan

"Nalulungkot ako. Ibang klaseng lungkot. Lungkot na hindi umiiyak, lungkot na hindi naglulupasay, lungkot na hindi ko kayang magsaya. Tumatawa ako subalit sa bawat paglakas ng halakhak, kumikirot ang puso ko. Tinatanong ko ang sarili ko, "Bakit ka masaya?", "Tama bang ganyan ka kasaya?" Nawalan ako. Nawalan kami. Ano bang tamang gawin? Kailan ba dapat ipagpatuloy ang hakbang? Hanggang kailan ba dapat tumigil at magluksa? Sa totoong lang, may katapusan ba talaga ang pagluluksa? Hindi na kailan man mapupunuan ang kung anong nawala.


Para itong isang butas sa pader na hindi na kailanman malalapatan ng perpektong takip. Pwede itong tapalan ngunit hindi na kailanman magmumukhang bago, hindi na kailanman magiging iisa ang hulma at pigura. Habambuhay na itong may marka, matatakpan man ng pintura, ngunit sa loob ay may lamat. Gusto kong umiyak ng matagal at madaming beses. Nandito sa loob ko ang pighating hindi ko mailalabas. Parang nananaginip lang ako. Gusto kong magising ngunit sa bawat galaw ko ay mas lalo ko lang nakikita kung gaano katotoo na nasa realidad ako at na wala sa panaginip. Hayaan mong mag-ipon ako ng lakas para harapin ka. Patawarin mo ako sa mga oras na natatakot ako. Ang duwag na katauhan ito ay lubos pa ring nagdaramdam at nagpipighati sa iyong paglisan. Magdarasal ako. Gabi-gabi bago ako matulog, idudulog kong lahat ito sa Kanya. Minsan naiisip ko rin at tinatanong ang aking sarili kung nagkulang ba ako sa pagtawag. Gayunpaman, maniniwala pa rin ako sa pangako Niya na nasa mabuti kang kalagayan. Sana'y huwag mong kalimutan na Mahal Kita... At na habang buhay akong magpapasalamat sa lahat ng tulong mo upang makarating ako sa kung nasaan man ako ngayon."

Note: This is the first time that I've written something in my native tongue - Tagalog. It seems more appropriate and personal in letting the words come out. Something I needed in nursing my aching heart. If there is a take away from the thing that is happening to me right now, it is that we should always, always take time to tell and show your love for the important people in your lives. Never ever procrastinate nor miss a day.

Comments

Popular posts from this blog

Dealing with LBC Express

The Beautiful Pinto Art Museum